Filtered By: Topstories
News

Hindi ako ‘tuta’ ng kahit sino – Teodoro


MANILA – Mariing itinanggi ni administration party standard-bearer Gilberto Teodoro nitong Martes na “tuta" o sunod-sunuran siya kay Pangulong Gloria Macapagal- Arroyo. Ang pahayag ay ginawa ni Teodoro sa programang “Ikaw Na Ba: The Presidential Interview" ng dzBB radio, kung saan nanawagan muli siya sa publiko na suriin mabuti ang kanyang kakayahan na mamuno kaysa sa partido na kanyang kinabibilangan. [Pakinggan ang buong panayam dito.] “Hindi ko na kailangang iharap ang sarili ko kanino man, sa ating mga kababayan kung ako ay magiging tuta lamang. Hindi ako ng tuta ng kahit na sino," tugon ni Teodoro sa GMANews.TV matapos humarap sa programa ni Mike Enriquez. Sa panayam ni Enriquez, inamin Teodoro na hindi maganda ang patuloy na pag-uugnay sa kanya kay Arroyo na nagtalaga sa kanya na maging kalihim ng Department of National Defense. “Sa aking pananaw, ‘yung ganyang klaseng bigotry o bias ay hindi maganda. ‘Yung pangalan ko, ‘yung dangal ko ay hindi ko kayang ibenta kahit magkano o kahit kanino man," pahayag ng pambato ng Lakas-Kampi-CMD. Dapat umanong alalahanin ng publiko na siya at si Gng Arroyo ay magkaibang tao. Una rito, inihayag ng mga negosyante na dumalo sa isang pagtitipon kung saan naging bisita si Teodoro na bilib sila sa dating kalihim ngunit ikinababahala nila ang pagkakaugnay nito kay Gng Arroyo na inaakusahang sangkot sa mga katiwalaian. “Inaasahan naman natin na matured na ang ating mga kababayan…You have to judge people as people," patuloy ni Teodoro na nangakong hindi magiging katulad ng Arroyo government ang kanyang magiging liderato kapag nanalo. "Magkaiba kami ng personalidad ng ating pangulo… Iba ang mga hinaharap na mga suliranin… Ang pinag-aralan ko, iba sa saklaw din ng ating pangulo. Iba ang approach ng ekonomista sa abugado," paliwanag niya. Bagaman nagbibigay umano ng payo si Gng Arroyo paminsan-minsan kung papaano niya hahawakan ang kanyang kampanya, sinabi ni Teodoro na nasa kanya pa rin ang huling desisyon. Sa kabila ng mga puna sa pagiging kaalyado ng administrasyon, nanindigan si Teodoro na hindi niya tatalikuran si Gng Arroyo at ang partido na kanyang kinabibilangan anuman ang mangyari sa resulta ng halalan. “Ako ay tumatakbo na hinirang ng Lakas-Kampi-CMD. I will stand and I will fall on that… Hindi ko naman kukunsintihin ang katiwalian, pero hindi ko naman gagawin ang madramang paraan para lamang manalo," pahayag niya. Sa mga pinakahuling survey, nanatiling nasa ikaapat na puwesto si Teodoro na tila napako sa 15 percent. Halos tabla naman sa unahan sina Sens Benigno Aquino III (Liberal Party) at Manny Villar (Nacionalista Party), at pangatlo si dating pangulong Joseph Estrada (Partido ng Masang Pilipino). – GMANews.TV